Thursday, February 24, 2011

Habang may Buhay may Pag-asa ( Ang talambuhay ni Mark Joseph G. Caneo )

Ako sa Kasalukuyan
     Ang talambuhay ay sumasalamin sa pagkatao ng isang nilalang  sapagkat kung alam mo ang talambuhay ng isang nilalang malalaman mo ang lahat ng pangyayari sa buhay niya na magiging daan upang makilalama siya ng lubusan. Ang isa pang kahalagahan ng talambuhay ay nililikha ito upang magbahagi ng mga karanasan sa buhay na maaring magbigay ng aral at solusyon sa sariling buhay ng mga mambabasa. Nakakatulong din ang talambuhay sa isang tao sa pagpapalabas ng sariling emosyon dahil habang sinusulat ang isang talambuhay ay nababalikan ang mga pangyayari sa nakaraan kasama ang mga emosyong naramdaman sa pangyayaring ito. Sa isang talambuhay may bahaging masaya at malungkot dahil sa buhay nating ito may hirap at may ginhawa. Tunay na ang saya -sayang gumawa ng talambuhay lalo na ng sarili mo dahil maiibahagi mo sa iba ang iyong karanasan sa buhay at magdudulot pa ito ng aral sa ibang mambabasa. Kaya ngayon mga mambabasa samahan ninyo akong balikan ang mga pangyayari sa aking buhay mula pagkabata hanggang sa kasalukuyan na sana'y magsilbing gabay ninyo sa sarili ninyong buhay.

Ang aking Pamilya

     Bago ang lahat nais ko munang ipakilala ang aking sarili, ako ay si Mark Joseph Caneo labing anim na taong gulang ngayong kasalukuyan. Ipinanganak ako noong Hulyo 28, 1994. Nakatira ako sa kasalukuyan sa Brgy. San Cristobal San Pablo City. Sa kasalukuyan ako ay nasa ikatlong antas ng mataas na paaralan ng Colonel Lauro D. Dizon Memorial National Highschool. Ang pangalan ng aking ina ay si Lilibeth G. Caneo at ang aking ama naman ay si Sonny G. Caneo. ang aking mga kapatid naman ay sina Reynel Caneo at Arvin Caneo at sila ang bumubuo sa aking pamilya.
      Tulad ng aking sinabi pinanganak ako noong Hulyo 28 ,1994 sa panahong ito nagsimula ang aking talambuhay. Siyam na buwan akong dinala ng aking ina sa kanyang sinapupunan hanggang sa ako'y maisilang at lubos akong nagpapasalamat sa bagay na iyon. Dito ako nakaranas kung paano mamuhay bilang bata, nakaranas akong uminom ng gatas sa bote, sumala sa higaan,, maging makulit na bata, maglaro kasama ang mga kalarong bata at marami pang iba na mginagawa ng isang bata.

Larawan ko ng ako ay Kinder
       Dumating ang araw na nagtapos na ang unang bahagi ng aking pagkabata kinailangan ko nang pumasok sa paaralan para matuto. Nagsimula ang panahon ng aking pagpasok bilang kinder sa paaralang San Rafael Day Care Center noong 2000- 2001 at noong panahon na iyon nakatira kami sa San Rafael S.P.C. Naging mahusay akong mag-aaral noong kinder at sa tulong ng aking magulang nakapagtapos ako ng kinder. Masayang masaya ang aking mga magulang ng araw na iyon at ganoon din ako kaya nangako ako sa aking sarili na mas pagbubutihan ko pa ang aking pag-aaral.
     Marami akong natutuhan sa buong taon ko sa kinder ngunit hindi dito nagtatapos ang panahon ng aking pag-aaral. Nagsimula na akong pumasok sa elementarya sa unang antas at mas lalo ko pang pinagbutihan ang pag-aaral sa mga panahon na iyon at nagbunga ito nakamit ko ang pagiging third honor hanggang sa Grade 3 ng aking elementarya sa paaralang Joel Town Primary School. Pero sa panahong iyon hanggang Grade 3 lang ang antas sa elementaryang naroon kaya kinakailangan kong lumipat sa Laurel Ville para magpatuloy sa pagaaral. Ang nakakalungkot ay ilang buwan lang ang nakakaraan ay nalipat kami ng bahay kaya napatigil ako sa pagpasok. Hanggang sa mapalipat kami sa San Cristobal sa lugar na ito ako nagpatuloy sa pagpasok sa elementarya hanggang sa makapagtapos at sa aking pagtatapos ay nagkamit ako ng iba't ibang parangal sa mga paligsahan at sa mga quiz bee at nakamit ko muli ang pagiging third honor hanggang sa aking pagtatapos. Labis ang katuwaan ng aking mga magulang ng panahong iyon.
      Para sa akin dito nagtatapos ang aking pagkabata dahil maraming bagay ang nangyari sa akin pagkatapos kong magtapos sa elementaryaat ang mga bagay na ito ay naging hudyat ng aking pagiging binata. Sa bahaging ito namulat ako sa tunay na buhay sa mundong ito, humarap ako sa maraming problema sa buhay, dito ako sinubok ng diyos at pinalakas at hanggang ngayon ang mga problemang ito ay aking nararanasan pa. Ang buhay ay talagang ganyan na kahit isa kaming mahirap na pamilya ay hindi pa rin kami sumusuko sa takbo ng buhay at sama -sama pa rin naming hinaharap ang buhay na ito.

Larawan ng Graduation ko sa Elementarya
       Nang magtapos ako ng elementarya pinaghandaan ko na ang susunod na bahagi ng aking buhay ang pagpasok sa high school at sa pagpasok ko bilang high school na mag-aaral ay may nagiisa akong layunin ito ay ang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng trabaho upang makatulong ako sa aking pamilya. Dahil nangako ako sa aking pamilya na iaahon ko sila sa kahirapan na kanilang nararanasan ngayon.
      Pumasok ako ng high school sa paaralang Colonel Lauro D. Dizon Memorial National High School at sa paaralang ito naganap ang buhay ko bilang highschool na mag-aaral at ayon sa aking mga magulang na pinakamasayang panahon sa aking pag-aaral. Nagsimula akong pumasok sa high school bilang first year at dito may mga bago akong nakilala na naging kaibigan at kaklase. Sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay napapunta ako sa science section at dito nagumpisa ang aking highschool life. Simula palang ng aking pag-aaral sa high school ay inataki agad ako ng problema sa financial kaya muntik na ako mapatigil ngunit dahil sa kabutihan ng aking mga guro nakapagpatuloy ako at hindi naman ako sumuko at nagpatuloy sa pagpasok at kahit hindi na ako maging honor ay ayos na sa akindahil para sa akin ang mahalaga ay makapagtapos ng highschool. Nakapagtapos ako ng first year at mapalad dahil hindi ako naalis sa science.
     Sumunod na pasukan ay Sophomore na ako at habang tumatagal ay nagiging masaya na rin ang high school ko. Pero hindi nawala ang mga problema ko sa buhay ngunit iba na dahil hindi ako sumuko sa mga problemang ito at sa halip nagisip ako ng solusyon sa mga problemang ito. Sa awa ng Diyos nakapagtapos ako ng 2nd year high school.

Larawan ko ng ako ay Third Year High school
      Pero ngayong Senior na ako ay mas matinding problema at pagsubok ang binigay sa akin mga pagsubok na nagpatatag sa akin. Noong taong 2010 nagumpisa ako sa ikatlong antas sa high school ay sinubok kami ng isang problema at ito ay nang nawalan ng trabaho ang aking tatay grabeng paghihirap ang dinanas namin  na halos ikamatay na namin dahil sa ito lang ang inaasahan namin para mabuhay. Napatigil ang aking mga kapatid, dumanas kami ng matinding gutom, nawala lahat ang mga gamit namin dahil naipagbili at higit sa lahat muntik na naman akong mapatigil. Pero dahil hindi kami pinabayaan ng Diyos nakaraos kami hanggang ngayon sa tulong ng mga tao na handang tumulong sa amin at labis akong nagpapasalamat sa mga taong iyon.
     Dumating ang araw na tinanggap ko na, na ako ay mapapatigil sa third year at baka sa taon na magpatuloy pero tinulungan ako ng mga pinsan ko para makapagpatuloy sa pag-aaral kaya hanggang ngayon ay pumapasok pa ako at kahit na nahihirapan na ang mga pinsan ko sa pagpapaaral sa akin dahil hindi naman biro ang pagpapaaral ay hindi pa rin nila ako binibitiwan at buong puso pa rin silang nagbibigay.Lubos naman akong nagpapasalamat sa mga bagay na iyon at kahit na matanggal ako sa science magpapautuloy pa rin ako at mas pagbubutihan ko pa ang pag-aaral upang makapagtapos ng high school.
    Hanggang sa mga oras na ito at habang ginagawa ko ang talambuhay na ito ay marami pa rin akong kinakaharap na problema na magiging bahagi pa rin ng aking buhay pero magiging malakas ako sa pagharap sa mga ito at sigurado akong matatapos din ito dahil alam ko habang may buhay may pag-asa. Kaya sisiguraduhin kung pag nakapagtapos ako ng high school ay ako mismo ang mag-aahon sa aking pamilya at hindi ko sila pababayaan habang buhay.

    

No comments:

Post a Comment